Thursday, May 28, 2015

Gusto niyang mag-aral ng Science ngunit pinapasarado ang eskwelahan

Katatapos lang ni Roger (hindi tunay na pangalan) ng Grade 8 sa Salugpungan Ta Tanu Igkanogon Community Learning Center. Labingwalong taong gulang na siya. Isang Manobo mula sa Talaingod, Davao del Norte. Tinanong ko siya kung ano ang paborito niyang subject. Sabi niya Science. Ang mga subjects na nakuha niya sa huling taon ayon sa kanyang pagkaalala ay Science, Filipino, Araling Panlipunan, Math, English, Values, MAPE, TLE-Agriculture.

Nung tinanong ko siya sandali kung ano ang MAPE, sabi niya dyan yung tinuturo sa kanila ang iba't ibang laro at mga musical instruments.

Muntik na niyang makalimutan ang Agriculture. Nung naalala niya, dinagdag niya na "pinakauna jud nang Agriculture". Hindi ako sigurado kung ang gusto niyang sabihin ay ito ang pinakamahalagang subject para sa kanya.

Ang kanilang mga klase ay mula Lunes hanggang Biyernes. Nagsisimula ang kanilang klase alas-otso ng umaga, ngunit bago yan ay mayroon silang flag ceremony sa alas-syete kinse. Hanggang alas-onse ang kanilang klase sa umaga at pagkatapos nito ay naghahanda na sila ng pagkain para sa tanghalian. Kumukuha sila ng gulay sa kanilang mga pananim at sa paligid.

Pagkatapos ng tanghalian ay nagsisimula naman ang klase sa ala-una. Matatapos ito sa alas-kwatro. Magluluto na naman sila ng kanilang pagkain para sa hapunan. Mag-iigib ng tubig. Ang iba ay pupunta sa kanilang prutasan upang mag-alaga ng pananim. Mayroon namang naglilinis sa paligid.

Ang Salugpungan Ta Tanu Igkanogon Learning Center ay isang boarding school na pinopondohan ng non-government organization o NGO na Rural Missionaries of the Philippines - Southern Mindanao Region. May tirahan (boarding house) ang mga estudyante sa loob mismo ng eskwelahan. Parang may ganyan din yata sa Philippine Science High School.

Lima lahat ang kanilang guro. May ilang subjects na isang guro lang ang naghahandle: halimbawa ay MAPE at Filipino. Hindi ito malayo sa sitwasyon ng maraming pampublikong eskwelahan sa kalunsuran kung saan may kakulangan sa guro dahil sa mababang budget na ibinibigay ng gobyerno sa edukasyon.

Labingtatlo silang estudyante sa isang klase nung Grade 8. Natapos silang lahat sa level na ito at naghihintay na lang sa pagbukas ng eskwelahan para sa Grade 9.

Ano ang kanyang paboritong topic na tinuro sa kanila sa Science?

"Kabahin sa atong pagtuki sa mga butang apil na diha ang tawo. Tukion nato kung unsa ba gyud ang sinugdanan sa tawo."

Kasama sa scholarship na pinoprovide ng Salugpungan ang mga libro sa bawat subject. English ang wika sa karamihan ng mga libro. Values Education, Filipino, at Araling Panlipunan lang ang mga subjects na Filipino ang wika ng textbook.

"Makasabot man mi og English pero putol-putol. Ang ginahimo namo kay ginasabot namo ang kada sentence."

Wala silang English-Cebuano o kahit English-Manobo dictionary. Ito ay isang magandang proyekto sana na makakatulong sa kanilang pag-aaral ng Science.

Nakakaintindi ba ng Manobo ang kanilang mga guro?

"Usahay lang sila makasabot. Tagsa ra pud ila masabtan. Pero makasabot man mi og Bisaya. Kung subject na Filipino, mag-Tagalog sila. Usahay mag-Bisaya. Kung English nga subject, usahay English, pero usahay mag-Bisaya sila aron masabtan."

Sa Science, ano ang mga halimbawa ng topic na naaalala pa niya?

"Magtuki ta kung ang mga tawo asa naggikan, ug nganong nabuo ang mga tawo. Nagtan-aw man mi ana adtong sa sine. Naay salida (documentary). Inenglish. Dili pa kaayo namo masabtan ang gisulti pero masabtan man namo kung unsa ang nahitabo sa salida."

Anu-ano ang maalala mo sa documentary?

"Kanang susihon diri sa sulod sa tawo (tinuro niya ang kanyang dibdib). Pikason ang tawo. Susihon kung unsa ang naa sa sulod sa tawo."

"Naa pud mga Kingdoms sa kinabuhi. Kining Kingdom Monerans. Dili makit-an sa mata. Makit-an ra sa computer."

Maliban pa sa mga nabanggit. Ano pa ang natutunan mo sa Science?

"Tukion kining mga plants, kung unsaon nato pagkuwan nga mabuhi siya og tarong. Dili mamatay. Ug kanang mga animals pud, ingon ana gihapon sa tawo."

Ang kanilang mga libro ay nasa kanilang eskwelahan sa Sitio Nasilaban. Umalis sila doon katapusan ng March at umuwi sa kani-kanilang mga pamilya pagkatapos ng school year.

Habang nagkaklase sila ay madalas dumalaw ang mga sundalo sa kanilang eskwelahan. Sa may sentro ng Sitio Nasilaban lang tumatambay ang mga sundalo. Sobrang lapit lang ito sa eskwelahan. Ayon sa kanya, nasa 30 meters lang ang distansya.

Ang mga sundalo, ayon sa kanya, ay may permanenteng tirahan na nasa itaas na bahagi ng bundok, mga nasa 500 meters ang distansya sa tingin ng bata. "Pero usahay, sila tanan mubaba dira sa sentro, ug muadto ang uban didto sa eskwelahan."

May ilang kaklase na sila na tumigil sa pag-aaral dahil natatakot sa mga sundalo. Pinapasarado na ngayon ng Deped ang kanilang eskwelahan dahil eskwelahan daw ito ng New People's Army.

Ang interview na ginawa ay bahagi ng programa ng Alternative Science Academy (ALSA) na tulungang iangat ang science literacy sa Pilipinas lalo na sa mga marginalized communities. Ang ALSA ay nakikipag-ugnayan sa mga eskwelahan sa Southern Mindanao lalo na doon sa mga malalayong komunidad gaya ng Talaingod. Para sa karagdagang detalye, kontakin lamang ang ALSA sa pamamagitan ng email: alsa.science.davao at gmail dot com

Ang larawan sa itaas ay galing sa Samahan ng Nagtataguyod ng Agham at Teknolohiya Para sa Sambayanan (AGHAM).

No comments:

Post a Comment