Wednesday, June 10, 2015

Davao City poets unite with lumads to uphold human and environmental rights



Ilang manunulat at makata sa Davao City ang nagtipon kagabi sa UCCP Haran kasama ang mga lumad na kasalukuyang dito nanirahan. Bahagi ito ng serye ng mga activities tungo sa pagbubuo ng grupo ng mga lokal na makata na magtataguyod sa karapatang pantao at pangkalikasan ng mga lumad. Ito ang PLUMAHE o Poets for Lumad's Human Rights & Environment.

Sa pamamagitan ng mga tula at awit, nabuo ang pagkakaisa ng mga makata mula sa Davao City at pati na sa hanay ng mga lumad mismo galing sa Talaingod at Kapalong. Mga tula na may kanya-kanyang inspirasyon ang naging tuntungan upang maipahayag ang nag-iisang panawagan sa Isang Gabi ng mga Tula at Pakikisalamuha (poetry and integration night): ang pagtigil sa militarisasyon sa komunidad ng mga lumad lalo na sa Pantaron Mountain Range.

Ang cultural event na ito ay pinangunahan ng lokal na environmental rights group na Panalipdan Southern Mindanao kasama ang lokal na tsapter ng KARATULA (Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan).

Isa sa mga nakiisa ay si University of the Philippines Mindanao Prof. Jhoanna Cruz. Nagpapasalamat siya "for the invitation to Plumahe and the opportunity to interact with the Manobos from Talaingod and Kapalong". Binasa niya sa harap ng mga lumad ang kanyang tula na "Word Games".

Ang litrato ay kuha ni Mags Maglana, isang development worker at anthropology student ng Ateneo de Davao University, na dumalo at nakiisa din sa mga lumad.

Isinalin ni Joyce Perpetua ng League of Filipino Students, dating estudyante ni Prof. Cruz, ang English na tula sa Bisaya.

Para kay Cruz (sa kanyang Facebook post), "it was an honor to share my work with them, even though I was afraid it was irrelevant to their experience of displacement due to militarization. I think I am profoundly changed by this experience, as my poem suggests about ‪#‎Metamorphosis".

Maganda ang sinabi ni Maglana tungkol sa tula: "How apropos that the poem is, among others, about metamorphosis, children, the transformative power of words, and how transformation is not that easy. But transform we must, transform this system we must."

Para naman kay Reil Benedict Obinque, isang kabataang makata at estudyante ng Ateneo de Davao University at myembro ng SALEM, "magaan sa pakiramdam ang magbasa ng tula sa harap ng mga taong naabuso't naagawan. Patuloy ang pakikibaka sa pagsusulat."

Ilang manunulat naman ng Himati, ang opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng UP Mindanao, ang dumating ng mas maaga upang makasalamuha at makatalakayan ang ilang datu at lumad na estudyante mula sa Talaingod. May ilan din sa kanila ang nagbasa ng tula at kumanta sa poetry night.

Nanawagan naman si Yana Pangan, isang local artist, ng mga donasyon para sa mga lumad.

Nagpakitang-gilas naman ang mga estudyante ng Salugpungan Ta Tanu Igkanogon Community Learning Center at MISFI Academy sa pamamagitan ng mga tula, awit, at sayaw. Ang pinakabatang tumula sa event na ito ay ang mga pre-school pupils ng MISFI Academy sa Sitio Muling, Brgy. Gupitan, Kapalong.

Ang dalawang eskwelahang ito ay pinapasarado ngayon ng mga militar pati na ng DepEd dahil eskwelahan daw ito ng New People's Army.

Nagsalita naman si Datu Doloman Dawsay, ang tagapagsalita ng tribal group na Salugpongan Ta'Tanu Igkanogon. Nagpapasalamat siya sa malakas na suportang ipinakita ng mga taong-lungsod. Hinamon din niya ang kapwa niya Manobo na mas palakasin pa ang kanilang pagkakaisa upang labanan ang militarisasyon sa kanilang komunidad.

Ang iba pang nagperform sa poetry and integration night ay sina: Kennethfer Nabo, Anna Sophia Tarhata Piang, Rizia Perez, Knarl Tiongson, Junior Ehem, Raya Ehem, Mawi Bago, Salugpongan kids, Jinky Malibato kasama ang dalawa pang estudyante ng MISFI Academy, Kapalong preschoolers ng MISFI Academy, GWATSI (Gawasnong Teatro Silingan), Datu Ginom (performed traditional Oranda), at si Angel. Pagkatapos ng pormal na programa ay nagkaroon ng open mic.

No comments:

Post a Comment